Boboto ka ba?

7 May 2022

A note to non-Filipino readers: I’ll publish an English translation soon.

Hello po.

Eleksyon na po sa Lunes. Magkakaroon na naman po tayo ng pagkakataong pumili ng mga taong magpapatakbo ng Pilipinas nang mas maayos at matino (sana). Wag po kayong mag-alala; di ko po ipipilit sa inyo ang mga napili kong kandidato o kahit magdikta man lang; ginagalang ko ang pasya ninyo at sana ganun din kayo sa akin. Magpapaalala lang po ako.

Una po, agahan po natin ang pagpunta sa botohan kung kakayanin. Pag tanghali po kasi, mainit na. Sa init po ng panahon, di po malabong uminit din ang mga ulo lalo na kung marami nang tao at totopakin pa ang mga VCM dahil sa init. Mainam na rin po sigurong magbaon kayo ng tubig at pamaypay o bentilador.

Pangalawa po, siguruhin nyo pong maayos ang pagmamarka nyo sa balota. I-shade nyo po nang husto yung bilog, pero wag nyo naman pong sobrahan at baka tumagos sa kabila. Ingatan nyo pong di madumihan yung balota para hindi iluwa ng VCM. Basahin nyo pong mabuti yung resibo bago ihulog sa drop box.

Pangatlo po, at pinakamahalaga sa lahat, sana po ay nilubos nyo na ang nakaraang mga buwan para suriing mabuti yung mga tatakbo, alamin ang mga plano nila, at tignan ang mga motibo nila sa pagtakbo. Importante po ito kasi marami po sa atin ang bumoboto sa eleksyon na parang bumoboto sa PBB, Pilipinas Got Talent, o kung ano pa mang contest sa TV. Naging kultura na nga po siguro, pero hanggang ngayon po ba e iboboto natin ang napupusuan natin dahil lang sikat, o namimigay ng pera, o matunog ang pangalan? Iboboto dahil pogi o maganda? O dahil lang kababayan?

Siguro karamihan po sa inyo ay pagkamatulungin ang batayan sa pagpili. Wala pong masama dyan; maganda po yan. Pero sana po tinitignan din natin ang motibo nila sa pagtulong; baka naman po hangad lang nilang mabili ang suporta’t boto natin imbes na talagang mapabuti tayo. Matuto po sana tayong alamin ang kaibahan ng trabaho sa kawanggawa, at piliin po natin ang mga kandidatong hindi lang basta namimigay ng ayuda kundi nag-e-empower din sa mga taong tulungan ang mga sarili nila. Wala pong masamang makatanggap ng tulong pero hindi po makakabuti sa atin ang pagiging pala-asa sa gobyerno.

Panigurado marami ring boboto ayon sa kapakinabangan sa kanila kahit na may madedehado. Kung kayo po ay nakatanggap ng tulong, mabuti po yan. Pero habang isinasaalang-alang po natin ang sarili nating kapakinabangan, isipin din natin kung ano ang makakabuti sa mas nakakarami. Nakakalungkot pong isipin na panay nating ipinagmamalaki ang “bayanihan” pero pagdating sa eleksyon, marami po ang nagiging makasarili. Pumili po tayo ng mga kandidatong ipapanalo ang lahat, hindi ang iilan lang. Pare-pareho naman po tayong naghahangad na umunlad.

Ang iba naman po siguro ay tikas o “kamay na bakal” ang hinahanap sa kandidato. Medyo sensitibong usapin po yan; sa tingin ko po, kung kaya naman po nating disiplinahin ang mga sarili natin at marunong tayong mahiya sa kapwa natin, di na natin kailangan nito masyado. Pero kung yan po ang trip nyo, siguruhin nyo lang pong patas at walang kikilingan yang kamay na bakal na yan. Kadalasan po kasi ganyan e; ang higpit sa mga ordinaryong tao at wagas kung manggipit ng kaaway, pero pagdating sa mga kaibigan at kaalyado, todo-kunsinti at minsan pinupuri pa. Di lang naman po siguro ako ang sukang-suka na sa kultura ng padrino, palakasan, at pagpapakasipsip dito sa atin. Maiba naman na po sana.

At sa inyo namang kasikatan, pagka-artistahin at talento sa pagsayaw, pagkanta, o kung ano pa ang batayan sa pagpili ng iboboto, mag-isip naman po tayo. Ganun din po kung iboboto natin dahil lang kababayan, o magaling ang magulang, o mahusay lang magsalita. Sana po hindi ganitong kababaw ang mga kadahilanan natin sa pagpili ng mga kandidato. Wala pong gustong matawag na bobo kaya ipakita naman po natin, kahit sa Lunes lang pero sana lagi, na nag-iisip tayo. Sabi nga po sa Ingles, “we can do better.”

Piliin po natin ang may kakayahan, may integridad, may nagawa na, at tunay na hinahangad ang pag-unlad nating lahat, yung klase ng tagapaglingkod na hindi magsisinungaling, hindi magnanakaw, at hindi tayo pagsasamantalahan. Sana po hindi na tayo nagpapadala sa mga mababangong salita, o sa mga pasayaw-sayaw at pakanta-kanta, o sa mga pa-bibo lang. Sinuman po ang iboboto ninyo, sana po hindi ninyo pagsisihan.

Cover: Element5 Digital / Unsplash